August 27, 2017
Umabot na sa 3,366 inmates sa buong bansa at kanilang mga kaanak ang nabigyan ng skills training mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na layuning mabigyan ng pagkakataon ang mga nakakulong na magkaroon ng sapat na kasayanan na kanilang magagamit sa kanilang paglaya.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, noong Disyembre 13 ng nakalipas na taon nang lumagda sa Memorandum of Agreement ang kanyang pinamamahalaang ahensiya at ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang mabigyan ng skills training ang mga bilanggo sa buong bansa.
Inilunsad ang programa ng TESDA at BJMP sa Makati City Jail noong Enero 18 ng kasalukuyang taon at sinundan ito noong Pebrero 8 sa Puerto Princesa City Jail habang sa Cebu City Jail naman ay noong Marso 7.
Base sa impormasyon mula sa tanggapan ni Deputy Director General for Operations Alvin Feliciano na siya ring in-charge ng programa, sa nasabing bilang ay ang Region 4A o Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) ang may pinakamataas na bilang na inmates na kumuha ng skills training na umabot sa 582.
Ayon pa sa monitoring report nitong Hulyo ng kasalukuyang taon, ang Region 1 ay may 271 inmates ang nabigyan ng skills training; Region 2-245; Region 3-250; Region 4B-322; Region 5-201; Region 6-75; Region 7-180; Region 8-122; Region 9-358; Region 10-60; Region 11-141; Region 12-213; CARAGA Region-8; CAR-27; National Capital Region-311 habang ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay kasalukuyan pang hindi nakapagsusumite ng kanilang listahan.
Umaasa si Mamondiong na madaragdagan pa ang naturang bilang dahil isa itong paraan upang matulungan ang mga inmates at kanilang pamilya na mabigyan ng kasanayan na kanilang magagamit sa paghahanap-buhay.
Nagpasalamat din si Mamondiong sa mga lokal na pamahalaan at sa mga Technical Vocational Institutions (TVIs) sa iba’t-ibang rehiyon na nakatuwang ng TESDA upang magkaroon ng katuparan ang programang ito.
Share this page