August 21, 2017
Upang maiwasan ang mga nagaganap na sakuna sa mga lansangan ay isasagawa ang “Road Safety Forum” ng The Alliance of TESDA Certified Drivers, Trainers, Assessor, and Safety Driving Advocates (AllTESDAPhil) kasabay sa isang linggong pagdiriwang ng ika-23 taong anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, gaganapin ang naturang forum sa Agosto 22 ng kasalukuyang taon dakong 1:00 ng hapon hanggang 6:00 gabi sa TESDA Main Office Covered Court, Taguig City.
Magiging tema sa gaganaping forum ang “Transport Modernization: The Gateway to Road Safety” na layuning mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga nagmamaneho ng sasakyan upang maging ligtas sa kalsada.
Kabilang sa tatalakayin sa forum ang “Road Safety is a Shared Responsibility” kung saan ay magiging tagapagsalita si Engr. Alberto Suansing, National Chairman ng Safety Organization of the Philippines, Inc. (SOPI) at “What Transport Modernization Means to the Lives of Transport Operators” na tatalakayin naman ni Orlando Marquez, National Chairman ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP).
Magiging tagapagsalita din sa okasyon si Roberto Martin, National Chairman ng Pasang Masda kung saan ay ituturo naman nito ang kahalagahan ng “The Cause and Effect of Transport Modernization habang si National Chairman ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) Zenaida Maranan ay tatalakayin naman ang Advantages of Transport Modernization on Jeepney Drivers.
Bukod dito, ilulunsad naman ng AllTESDAPhil ang kanilang libro tungkol sa Road Safety and Traffic Violations na layuning madagdagan ang kaalaman ng mga drivers kung paano maiwasan ang aksidente sa kalsada at maituro din kung paano makaiwas sa mga paglabag sa pagmamaneho.
Samantala, bukod sa TESDA ay katuwang din ng AllTESDAPhil sa gaganaping forum ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), Hyundai Philippines, Shell Philippines at Philippine National Bank (PNB).
Inaasahan din na lalahukan ng 1,500 delagado ang gaganaping forum na magmumula sa iba’t-ibang sektor at industriya habang hinikayat din ng AllTESDAPhil ang mga drivers na dumalo at makinig sa talakayan para sa karagdagang kaalaman sa pagmamaneho.
Share this page