May 17, 2017
Hihilingin ng pamunuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na madagdagan ang kanilang pondo sa susunod na taon upang makapagbigay ng skills training sa tinatayang 1.5 milyong Pilipino.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, P24 bilyon ang kanilang kakailanganing pondo upang makapagbigay ng skills training sa mas marami nating kababayan sa taong 2018.
Aniya, posibleng madagdagan ang mga kababayan nating gustong magkaroon ng skills training dahil na rin sa pagbibibay ng prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte na makalikha ng mas maraming trabaho.
Kabilang sa limang industriya na inaasahang maging patok sa ating bansa sa susunod na taon ay ang health care and wellness, business processing outsourcing, tourism, construction at agriculture.
Dahil dito, inaasahan ni Mamondiong na posibleng dumami ang bilang ng mga gustong magkaroon ng skills training na ipinagkakaloob ng TESDA partikular na sa limang nabanggit na industriya.
Bukod dito, muli na namang bubuksan ng TESDA ang Training for Work Scholarship para sa mga gustong maging caregiver at housekeeping sa mga hotel.
Kabilang pa sa mga plano ni Mamondiong ay ang makapagbigay ng maraming scholarship ang TESDA at matiyak din na makakukuha ang mga ito ng trabaho at maisakatuparan ang emergency skills training para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang sektor.
Plano din ng TESDA na mapondohan ang modernisasyon ng mga Regional Training Center sa buong bansa upang mas makapagbigay ito ng dekalidad na kasanayan.
Napag-alaman pa na kumpara sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay napakaliit lamang ng budget ng TESDA na umaabot lang sa mahigit na anim na bilyong piso.
Share this page