May 8, 2017
Umabot sa pitumpu’t-anim (76) na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Middle East ang nabigyan ng onsite competency assessment ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ginanap sa mismong kinaroroonang bansa ng mga ito.
Sa nasabing bilang, pitumpu (70) ang nabigyan ng sertipiko matapos na pumasa ang mga ito sa assessment na ginanap sa Riyadh at Al Khobar na kapwa matatagpuan sa Middle East kung saan ay umabot sa 92.11% ang certification rate.
Kabilang sa mga qualifications na ito ay ang Computer Systems Servicing NC II na mayroong 100% certification rate; Technical Drafting NC II, 88.89% at Visual Graphic Design NC III, 80.00%.
Sinimulan ang Onsite Assessment Program (OAP) ng TESDA noong April 28 hanggang April 30 ng kasalukuyang taon sa Riyadh at Al Khobar habang nakatakda ding puntahan ang mga OFWs sa Middle East at iba pang bansa upang mapagkalooban ng naturang programa.
Bukod sa OAP ay layunin din ng pagtungo ng mga kinatawan ng naturang ahensiya sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) na magkaroon ng pulong at inspeksiyon sa mga gustong magkaroon ng program registration at accreditation bilang TESDA Assessment Centers.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, sa pamamagitan ng OAP ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga OFWs na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa na mapaangat ang kanilang mga kasanayan.
“The program seeks to support the goal of bringing the Filipino overseas workers out of low skilled, low paying and oppressive service work, and assist them to land in higher skilled, better paying and decent work” sabi pa ni Mamondiong.
Hinikayat din ng kalihim ang mga OFWs na nagnanais na mapabilang sa OAP na magtungo lamang sa Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa kanilang pinagtatrabahuhang bansa upang mapasama ang pangalan ng mga ito sa online assessment.
Share this page