May 3, 2017
Upang matiyak na maayos na naipatutupad ang implementasyon ng mga scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay kasalukuyang nagsasagawa ng surprise inspection ang ahensiya sa mga training institutions sa buong bansa.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, hinati sa tatlong grupo ang National Inspectorate for the Scholarship Program na magsasagawa ng surprise inspection na kinabibilangan ng Group 1 (Luzon at Metro Manila), Group 2 (Visayas) at Group 3 (Mindanao).
Aniya, layunin nito na matiyak na maayos ang implementasyon ng mga scholarship program ng TESDA sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP), Special Training for Employment Program (STEP) at Private Education Student Financial Assistance (PESFA).
Nakasaad sa TESDA Order na nilagdaan ni Mamondiong, kabilang sa magiging trabaho ng National Inspectorate Team ay siguraduhin na naipatutupad ng maayos ang scholarship program ng ahensiya sa buong bansa.
“The National Inspectorate shall formulate annual action plan/schedule of inspection; conduct spot check of on-going scholarship program implementation; monitor the progress of scholarship program implementation; determine the veracity of submitted enrolment reports; provide periodic report and policy recommendations for the successful implementation and perform such as other duties and functions inherent in the inspectorate”, nakasaad pa sa TESDA Order na siyang magiging trabaho ng National Inspectorate Team.
Upang tuluyang maging maayos ang pagpapatupad ng mga programa ay binuo na rin ni Mamondiong ang Technical Audit Teams na siyang nagsagawa ng inspeksiyon sa mga equipment at facilities ng mga Technical Vocational Institutions (TVIs) habang ipinatupad na din ang Barangay Kasanayan para sa Kabuhayan at Kapayapaan (BKKK) na siyang sumusuyod sa bawat barangay sa buong bansa para kumuha ng iskolar.
Ipinatutupad rin ng TESDA ang Tendering System kung saan ay magsusumite ang mga training institutions ng “bids” para makakuha ng scholarship slots sa TESDA ngunit kinakailangan na makapasa muna ang mga ito sa technical audit ng ahensiya.
Share this page