March 27, 2017
Hiniling ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng taong gumagamit sa kanyang pangalan upang makapangalap ng pera sa mga opisyales ng ahensiya.
Sa kanyang inilabas na Advisory 001 series of 2017, nagbabala si Mamondiong sa lahat ng opisyal ng TESDA (Central, National Capital Region, Regional at Provincial Offices) na huwag paniwalaan ang mga natatanggap na tawag telepono mula sa taong gumagamit sa pangalan ng kahilim.
Ayon sa nakarating na impormasyon sa tanggapan ni Mamondiong, may taong tumatawag gamit ang telepono sa mga tanggapan ng TESDA na nagpapakilala gamit ang pangalan ng director general kung saan ay nanghihingi ito ng “financial contributions” para umano sa drug rehabilitation program ng gobyerno.
Dahil dito, agad na nagpalabas ng advisory si Mamondiong upang mapagsabihan ang lahat ng opisyal ng TESDA sa buong bansa na huwag paniwalaan ang taong gumagamit sa kanyang pangalan.
Sinabi pa ni Mamondiong na hindi gumagamit ng ganitong klase ng komunikasyon ang TESDA (tawag sa telepno) upang magbigay ng direktiba sa alinmang tanggapan ng ahensiya sa buong bansa kaya’t malinaw na isa lamang itong panloloko ng mga taong gustong makapanlamang sa kapwa.
Umaasa din si Mamondiong na sa lalong madaling panahon ay matukoy ng NBI ang pagkakakilanlan ng taong gumagamit sa kanyang pangalan nang sa gayon ay mapanagot ito sa batas sa kanyang ginawang kasalanan.
Matatandaan na noong nakalipas na buwan ay may gumawa naman ng pekeng Facebook account gamit ang pangalan ni Mamondiong kung saan ay naglalagay ito ng mga balita na walang katotohanan na agad ding isinailalim ng NBI sa imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng may gawa nito.
“We advise you (all concern) to be judicious in dealing with such situation and other similar matters thereto. Verification with the Office of the Director General/Secretary can be easily done”, nakasaad pa sa inilabas na advisory ni Mamondiong.
Share this page