March 12, 2017
Naging matagumpay ang kampanya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maging drug-free ang ahensiya matapos na magnegatibo sa isinagawang drug test ang mga opisyales at empleyado nito.
Pinangunahan ni TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong ang pagsasagawa ng random drug testing sa TESDA Central Office, TESDA National Capital Region (NCR) at TESDA Region 4-A o Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) area.
Base sa ulat na nakarating kay Mamondiong, sa 211 napiling sumalang sa drug test ay 181 (85.78%) sa mga ito ang nakakumpleto sa pagsusuri at naging negatibo ang resulta habang ang natitira sa naturang bilang ay nakatakdang sumailalim sa mandatory random drug testing ng ahensiya sa itatakdang petsa.
Ayon kay Mamondiong, ang isinagawang surprise mandatory random drug testing ay bilang pagsunod sa Section I ng Board Regulation No. 2, series of 2004 ng Dangerous Drugs Board at Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan ay naglabas din ang TESDA ng Circular No. 52 para sa policies and guidelines.
Ang mga empleyadong kasama sa napili para sa random drug testing na hindi nakapagpakuha ng kanilang ihi ay sa dahilang nasa labas ng tanggapan ang mga ito para sa kani-kanilang ginagampanang tungkulin sa TESDA habang ang mga hindi napasama sa first phase ay isasalang sa pagsusuri sa East Avenue Medical Center anumang petsa ngayong taon.
Kabilang naman sa mga tanggapan ng TESDA na nagsagawa din ng drug testing sa kanilang mga empleyado ay ang Region I (252 employees o 87.20%), Region IV (322 o 70%), Region VII (235 o 92.52%), Region X (317 o 89.04%) Region XII (27 o 15.17%) na pawang may mga negatibong resulta sa drug test.
Kumpiyansa din si Mamondiong na susunod ang lahat ng regional offices ng TESDA sa pagpapatupad ng drug test upang maging drug-free ang buong ahensiya at bilang pagtugon sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.
Share this page