March 10, 2017
Target ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Coca-Cola Philippines na makapagbigay ng 40,000 scholarship para sa Micro Business Enterprise sa mga kababaihang nagmamay-ari ng sari-sari store at karinderya sa buong bansa ngayong taon.
Ito Ang ibinahagi ni TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa ginanap na 2017 Women’s Month Celebration na may temang “We Make Change Work for Women” na idinaos sa USEP Gym Obrero, Davao City kahapon (March 10, 2017).
Ayon pa kay Mamondiong, layunin ng programang ito na tinawag ding Sari-Sari Store Training and Access to Resources (STAR) na matulungan ang mga kababaihang may-ari ng sari-sari store at karinderya na mapaangat ang kanilang micro-retail business.
Kasabay nito, nakiisa din sa ginanap na pagdiriwang ang mahigit kumulang na limang-libong (5,000) kababaihan na pawang mga nagmamay-ari ng sari-sari store at karinderia sa Davao Region.
Bukod sa TESDA at Coca-Cola ay kabahagi din sa programang ito ang Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Commission on Women (PCW), Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), National Reintegration Commission on OFWs (NCRO). Philippine Center for Entrepreneurship, Inc. (PCE-Go Negosyo), Tagum City Council of Women, Inc. (TCCWI), First Community Cooperative (FICCO) at Philippine Association of Stores and Carinderia Owners (PASCO-Davao City).
“The program is able to provide access to business skills and life training scholarships; access to business capital and assets; and access to peer mentoring support”, nakasaad pa sa STAR Program Partnership ng TESDA at ng Coca-Cola Philippines.
Napag-alaman pa na sa 40,000 scholarships na ibibigay sa mga kababaihan ay kabilang din sa mga target na mapagkalooban ng programang ito ay ang asawa ng mga pulis at sundalo, distressed women at mga bumalik na OFW.
Sa ngayon, umabot na sa 83,000 kababaihang micro retailers ang natulungan ng STAR Program na nagmula sa 46 na lungsod at probinsiya sa buong bansa at pagsapit ng 2020 ay nais ng TESDA at Coke-Cola na umabot sa dalawang-daang libo ang mabiyayaan ng naturang programa.
Share this page