March 5, 2017
Magiging malawakan na ang gagawing pagtulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga nakapiit sa municipal at city jail sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng skills training na magagamit ng mga ito sa kanilang pagbabagong buhay.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, aabot sa isandaang (100) kulungan sa buong bansa ang dadayuhin ng kanilang ahensiya upang makapagbigay ng sapat na kasanayan sa mga inmates.
Aniya, ang pagbibigay ng skills training sa mga inmates sa buong bansa ay bilang bahagi ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng TESDA at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na layuning mabigyan ng pagkakataon ang mga inmates upang makapagbagong buhay sa kanilang pagbabalik sa malayang lipunan.
Kabilang sa mga kurso na maaaring kunin ng mga inmates ay ang Front Office Services NC 2; Customer Service NC 2; Barista NC 2; HEO Forklift NC 2; Automotive Servicing NC 1; Food Processing NC 3; Hilot Wellness Massage NC 2; Motorcycle/Small Engine Services NC 2; Bread and Pastry NC 2; Nail Care NC 2; Massage Therapy NC 2; Beauty Care NC 2; Housekeeping NC 3; Organic Agriculture NC 2; Animal Production NC 2 at Cookery NC 2.
Maging ang pamilya ng mga inmates sa buong bansa ay bibigyan din ng TESDA ng skills training nang sa gayon ay makakuha ng pagkakakitaan ang mga ito habang ang kanilang mga mahal sa buhay ay hindi pa tuluyang nakalalaya.
Matatandaan na noong December 6 na nakalipas na taon nang lagdaan ni Mamondiong at ni BJMP Chief, Jail/Director Serafin Barretto, Jr. ang MOA para mabigyan ng skills training ang mga inmates habang noong January 9, 2017 nang ilunsad sa Makati City Jail ang programa na tinawag na Integration Through Skills Development.
Noong February 24 ng kasalukuyang taon naman nang mabigyan ng TESDA ng National Certificate (NC) ang dalawang-daan at labing-isang (211) inmates mula sa Makati City Jail matapos silang makakuha ng skills training at makapasa sa isinagawang assessment, bago ito ay nagtungo din ang grupo ni Mamondiong sa Puerto Princesa City Jail para magbigay ng kasanayan sa mga nakakulong nating kababayan.
Samantala, inatasan na ni Mamondiong ang lahat ng regional at provincial director ng TESDA na makipag-ugnayan sa mga kulungan na nasa kanilang lugar upang mabilis na maipatupad ang programang ito.
Share this page