February 24, 2017
Umabot sa dalawang-daan at labing-isang (211) inmates sa Makati City Jail ang nakapagtapos ng skills training na ipinagkaloob ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga preso at kanilang pamilya.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, ang mga nagtapos na inmates sa skills training ay simula pa lang ng kanilang programa para sa mga nakapiit sa mga kulungan sa buong bansa.
Kabilang sa mga skills training na ipinagkaloob sa mga inmates ay ang Heavy Equipment Operation; Beauty Care Services; Barista; Hilot (wellness massage); Hairdressing; Cookery; Bread and Pastry Production; Electrical Installation and Maintenance; Automotive Servicing (under chassis preventive maintenance) at Automotive Servicing (service engine mechanical components) na pawang may National Certificate (NC) II.
Bukod sa pagbibigay ng National Certificate sa ginanap na okasyon (presentation of graduates per qualification) ay binigyan din ng TESDA ng toolkit ang mga nagtapos ng skills training sa mga nabanggit na kurso.
Nagpasalamat naman si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief, Jail Director Serafin Barretto, Jr. kay Mamondiong dahil sa pagbibigay nito ng importansiya sa mga inmates upang magkaroon ng skills training.
Matatandaan na noong January 9, 2017 nang ilunsad ng TESDA sa Makati City Jail ang programa matapos na lumagda ang dalawang ahensiya sa Memorandum of Agreement (MOA) na layuning matulungan ang mga inmates at kanilang pamilya.
Noong ikalawang linggo naman ng December ng nakalipas na taon nang simulan ang skills training sa mga inmates ng Makati City Jail at nagtapos ito ngayong February 24 kung saan ay pumasa sa isingawang assessment ang 211 inmates.
Umaasa si Mamondiong na sa pamamagitan ng pagbibigay ng skills training ng TESDA ay maihahanda ang mga inmates sa kanilang pagbabagong buhay sa paglabas ng mga ito sa kulungan.
Share this page