February 22, 2017
Bibigyan ng pagkakataon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga nagsipagtapos sa Madrasah Schools (Arabic Schools) na magkaroon ng skills training upang magkaroon ang mga ito ng sapat na kasanayan para sa kanilang mas maayos na kabuhayan.
Sa pakikipag-usap ni TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa mga kinatawan ng lahat ng Madrasah Schools sa bansa ay nakahanda ang naturang ahensiya na matulungan ang mga nagtapos dito upang makakuha ng technical-vocational courses na magagamit ng mga ito upang makapagtrabaho sa loob at labas ng Pilipinas.
Ayon kay Mamondiong, sa kasalukuyang ay aabot sa 400,000 graduates ng Madrasah Schools ang walang sapat na pinagkakakitaan kaya’t layunin ng proyektong ito na mabigyan ng National Certificates (NC) sa kahit anong skills training ang mga ito upang mapaganda ang kanilang kabuhayan.
“In the Madrasah school system, the students are taught mainly Arabic and Islamic studies but after that, where they go? We have to help students of Madrasah, we will teach them skills training for their livelihood”, sabi pa ni Mamondiong.
Napag-alaman na ang pasok sa Madrasah Schools ay tuwing Sabado at Linggo lamang kaya’t gagamitin ng TESDA ang mga araw ng Lunes hanggang Biyernes upang makapagturo ng skills training sa mga graduates at estudiyante ng nasabing paaralan.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng imbentaryo ang TESDA sa lahat ng Madrasah Schools upang mapagtulungang maisakatuparan ang paglalagay ng skills training sa mga paaralan sa buong bansa na nagtuturo ng Arabic at Islamic studies.
Nakahanda rin ang TESDA na magbigay ng tool kit at equipment na magagamit ng mga kukuha ng skills training sa mga Madrasah Schools kung saan ay tinatayang aabot sa 30,000 ang posibleng makapagpatala kada taon.
Ipinaliwanag pa ni Mamondiong na isa sa dahilan kung bakit nagiging rebelde ang isang tao ay dahil sa kahirapan at wala itong sapat na skills training at sa pamamagitan ng proyektong ito ay mailalayo ang mga kabataan partikular na sa Mindanao na mapabilang sa mga extremist na grupo.
“If they do not have any skills for a livelihood and then their families are hungry, they may resort to extremism. This is a skills program to address that. Without peace, there is no real national development”, dagdag pa ni Mamondiong.
Share this page