February 15, 2017

Magbibigay ng libreng skills training ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga miyembro ng National Press Club of the Philippines (o NPC) at kanilang mga anak matapos na lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng dalawang partido.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, ang pagbibigay ng libreng skills training sa mga miyembro ng media at sa kanilang mga anak ay isang paraan upang matulungan ang mga itong magkaroon ng kasanayan sa kanilang mapipiling skills training.

Pinangunahan ni Mamondiong sa panig ng TESDA ang paglagda sa MOA samantalang sa National Press Club naman ay si President Paul Gutierrez habang naging saksi naman ang iba pang opisyal ng dalawang partido.

“In line with TESDA’s two-pronged strategy on poverty reduction, the project aims to provide interventions through skills development by providing access to training to journalists for self or wage-employment to uplift their economic status”, nakasaad pa sa MOA na pangunahing layunin ng proyektong ito.

Kabilang sa pangunahing obligasyon ng TESDA na nakasaad sa MOA ay ang pagbibigay ng skills training sa lahat ng kuwalipikadong miyembro ng NPC sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP).

Lahat naman ng miyembro ng NPC o kanilang dalawang anak na makakukumpleto ng kinakailangang dokumento ang maaaring makinabang sa proyektong ito base na rin sa nakasaad sa nilagdaang MOA.

Samantala, nagpasalamat naman ang mga opisyales at miyembro ng NPC sa inisyatibong ito ni Mamondiong at ni Deputy Director General for TESD Operation Alvin Feliciano dahil malaki ang maitutulong nito sa pamilya ng mga mamamahayag.

“The NPC extends its sincerest gratitude to TESDA, especially to Director General, Guiling Mamondiong and to our colleague DDG Alvin Feliciano for opening this window of opportunity to the members of the press and their families. This MOA would act as an inspiration to its hundreds of beneficiaries for a better future ahead of them as any holder of TESDA certificate of skills training has a greater chance of finding work not only here but also abroad”, sabi pa ni NPC President Gutierrez sa kanyang ipinadalang mensahe.