February 15, 2017

Nagsanib puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at National Council on Disability Affairs (NCDA) upang mabigyan ng libreng skills training ang mga Persons with Disabilities (PWDs) sa bansa.

Kahapon (February 15, 2017) ay pormal nang nilagdaan nina TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong at NCDA Executive Director Carmen Reyes-Zubiaga ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng dalawang ahensiya na layuning matulungan ang mga PWDs na mabigyan ng skills training.

Ayon kay Mamondiong, sa pamamagitan ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ay mabibigyan ng libreng skills training ang mga PWDs upang magkaroon ang mga ito ng National Certificate (NC) na kanilang magagamit upang magkatrabaho sa loob at labas ng bansa.

“In line with TESDA’s Two-Pronged Strategy on Poverty Reduction, the project aims to provide interventions through skills development by providing access to training to qualified persons with disability for self or wage-employment to uplift their economic status”, sabi pa ni Mamondiong.

Magiging kapaki-pakinabang din ang proyektong ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga PWDs na makakuha ng pagkakakitaan upang bumalik ang tiwala sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paghahanap-buhay depende sa sarili nilang kakayahan.

Bukod kay Mamondiong at Reyes-Zubiaga ay kabilang din sa mga dumalo sa ginanap na MOA signing sina Deputy Director General for Partnerships and Linkages Rebecca Calzado, NCDA Program Management Division Chief Dolores Deang Sotero at iba pang opisyal ng dalawang ahensiya.

Makikipagtulungan din sa proyektong ito ang mga Technical Vocational Education and Training (TVET) institutions na siyang magbibigay ng skills training sa mga PWDs na makakukumpleto ng kinakailangang dokumento upang makinabang sa programang ito.