February 13, 2017

Nakahandang makipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Madrasah School upang makapagturo ng skills training o technical-vocational courses nang sa gayon ay mabigyan ng sapat na kasanayan ang mga estudiyanteng nag-aaral sa naturang paaralan.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, naatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pinamumunuang ahensiya upang gawing skills training centers ang Madrasah School upang makapagbigay ng skills training sa mga mag-aaral.

“In the Madrasah school system, the students are taught mainly Arabic and Islamic studies but after that, where they go? We have to help students of Madrasah, we will teach them skills training for their livelihood”, sabi pa ni Mamondiong.

Sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng national certificate (NC) mula sa TESDA ang mga makapagtatapos ng kahit na anong skills training na magagamit ng mga estudiyante sa kanilang paghahanap ng maayos na pagkakakitaan.

Ipinaliwanag pa ni Mamondiong na ang isa sa dahilan kung bakit nagiging rebelde ang isang tao ay sa dahil sa kahirapan at wala itong sapat na skills training.

Sinabi pa ni Mamondiong na sa pamamagitan ng proyektong ito ay mailalayo ang mga kabataan na mapabilang sa mga rebelde at extremist na grupo.

“If they do not have any skills for a livelihood and then their families are hungry, they may resort to extremism. This is a skills program to address that. Without peace, there is no real national development”, dagdag pa ng TESDA secretary na patuloy na nakikipag-usap sa iba’t-ibang grupo para sa proyektong ito.

Napag-alaman pa na ang pasok sa Madrasah ay tuwing Sabado at Linggo lamang kaya’t gagamitin ng TESDA ang mga araw ng Lunes hanggang Biyernes upang makapagturo ng skills training sa mga mag-aaral.

Bukod dito, umaabot lamang sa P2,000 kada buwan ang kinikita ng mga nakapagtatapos sa Madrasah School at sa pamamagitan ng pagbibigay ng skills training sa mga ito ay mas madaragdagan ang kanilang kinikita para sa maayos na kabuhayan.