February 10, 2017

Umabot sa mahigit dalawampung inmates ng Puerto Princesa City Jail ang nabigyan ng National Certificate (NC) II ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) matapos na makapasa ang mga ito sa assessment para sa kanilang napiling skills training na ipinagkaloob ng naturang ahensiya.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, ang pagbibigay ng skills training sa mga inmates ng Puerto Princesa City Jail ay bilang bahagi ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng kanilang ahensiya at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Aniya, ang proyekto ng TESDA at ng BJMP na tinawag na Integration Through Skills Development ay layuning maihanda ang mga inmates sa kanilang pagbabagong buhay sa muling pagbabalik sa malayang lipunan.

Karamihan sa mga nabigyan ng NC II ay umaasa na sa kanilang pagbabalik sa malayang lipunan ay mabibigyan sila ng pagkakataon upang makapagbagong buhay at makakuha ng sapat na pagkakakitaan sa tulong na rin ng skills training na ipinagkaloob sa kanila ngTESDA.

Kabilang sa mga short courses na ibinigay ng TESDA ay ang Electrical Installation and Maintenance, Bread and Pastry Production, Shielded Metal Arc Welding, Massage Therapy at Tiles Setting na pawang may mga lebel na NC II.

Maging ang pamilya ng mga inmates ay bibigyan din ng TESDA ng skills training nang sa gayon ay makakuha ng pagkakakitaan ang mga ito habang ang kanilang mga mahal sa buhay ay hindi pa tuluyang nakalalaya.