February 8, 2017

Magtutulong ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) upang makapagtayo ng negosyong pampamilya (family enterprise) na magpapaangat sa kabuhayan ng Pamilyang Pilipino.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, sa pamamagitan ng pagbibigay ng skills training sa mga miyembro ng Basic Ecclesial Communities (BEC) ay mabibigyan ang mga ito ng sapat na kasanayan upang mapaunlad ang kanilang family enterprise.

Ang isang BEC ay binubuo ng pito hanggang walong pamilya ay itinatag ng Committee on Basic Ecclesial Communities ng CBCP na layuning mailapit ang mga mga miyembro nito sa gawain ng simbahan at matulungang mapaangat ang kanilang kabuhayan.

Sa pamamagitan ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga pamilyang bumubuo sa BEC na mabigyan ng skills training depende sa kanilang kasanayan na gustong pag-ibayuhin.

Kamakailan ay nakipagpulong ang mga kinatawan ng TESDA kay CBCP-BEC Chairman, Bishop  Jose Cabantan kung saan ay napag-usapan ang pagkakaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) upang magkatulungan ang dalawa sa pagbuo ng mga plano para mapalago ang mga family enterprise.

Base pa sa plano, nakatakdang gawing pilot area ang Bukidnon upang simulan ang proyektong ito kaya’t kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan si Bishop Cabantan sa kanilang mga coordinators sa naturang lalawigan na siyang mangangasiwa sa programang pagtutulungan ng TESDA at CBCP.

Isa sa halimbawa na maaaring maging family enterprise ay ang pagtatayo ng isang karinderya kung saan ay magtutulong-tulong ang bawat miyembro sa pagpapaunlad ng kanilang itatayong negosyo depende na rin sa kanilang kaalaman.

Bibigyan naman ng TESDA ng libreng skills training ang bawat miyembro ng pamilya upang magkaroon ang mga ito ng National Certificate (NC) na kanilang magagamit sa pagpapalago ng kanilang maiisipang negosyo.