January 18, 2017
Inilunsad kahapon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagbibigay ng libreng skills training sa mga inmates na nakapiit sa Makati City Jail at kanilang mga pamilya kasabay ng paglulunsad ng “Integration Through Skills Development Project for Inmates and Families” (January 18) sa buong bansa.
Ayon kay TESDA Director General Guiling “Gene” Mamondiong, bukod sa inmates at kanilang pamilya ay pagkakalooban din ng libreng skills at trainors training ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Aniya, isinama ang pamilya ng mga inmates sa mabibigyan ng libreng skills training upang habang nakakulong ang mga nagkasala sa batas ay magkaroon ng pagkakakitaan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kasabay ng paglulunsad ng naturang programa ay umabot sa 140 inmates sa Makati City Jail ang nagpatala upang makakuha ng skills training na ipinagkakaloob ng TESDA habang dalawampung bilanggo naman ang nabigyan ng National Certificates (NC II) na nakapasa sa isinagawang assessment sa kanilang napiling kasanayan.
Kabilang sa mga inaalok na kurso ng TESDA sa proyektong ito ay ang Bread and Pastry Production NC II, Barista NC II, Electrical Installation and Maintenance NC II at Heo-Forklift Operation para sa mga lalaking preso.
Para naman sa mga babaeng inmates, maaari silang kumuha ng mga kursong Cookery NC II, Beauty Care NC II, Hilot NC II at Hairdressing NC II.
Bukod kay Mamondiong ay dumalo rin sa ginanap na programa sina TESD Operation, Deputy Director General Alvin Feliciano, BJMP Chief, J/Director Serafin Barretto, Jr., Makati City Jail Warden, Supt. Esmeralda Azucena at iba pang mga opisyales ng dalawang ahensiya.
Bago ito, matatandaan na nagkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang TESDA at ang BJMP na nilagdaan nina Mamondiong at Barretto noong December 6 ng nakalipas na taon na ginanap sa tanggapan ng TESDA Central Office sa Taguig City para sa proyektong ito.
Samantala, inatasan na rin ni Mamondiong ang lahat ng provincial at regional directors ng TESDA sa buong bansa na makipag-ugnayan sa lahat ng piitan sa kanilang nasasakupan upang ipaalam ang programang ito para sa mga inmates.
“In line with TESDA’s Two-Pronged Strategy on Poverty Reduction, the project aims to provide interventions through skills development by providing access to training to inmates for self or wage-employment to uplift their economic status and facilitate reintegration in their respective communities”, nakasaad pa sa MOA ng TESDA at ng BJMP.
Kaugnay nito, nagpapasalamat din ang BJMP sa TESDA dahil sa pagbibigay nito ng importansiya sa mga inmates na magkaroon ng skills training upang muling makabangon sa kanilang pagkakamaling nagawa sa batas at sa lipunan.
Share this page