January 17, 2017

Nagsanib puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) para sa layuning mabigyan ng sapat na kasanayan at pagkakakitaan ang mga Pilipino.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guling “Gene” Mamondiong, noong Martes (January 17, 2017) ay lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang PCCI at ang kanilang ahensiya.

Sa pamamagitan nito ay magkakatulungan ang TESDA at ang PCCI upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na mapalawig ang kanilang kasanayan at makakuha ng magandang pagkakakitaan.

“The PCCI in united with TESDA in its objective to create a pool of qualified, competent and job-ready workforce to contribute to the productivity and sustainability of enterprises and to the employment generation and poverty reduction goals of the government”, nakasaad pa sa nilagdaang MOA.

Isa sa mga layunin ng TESDA ang  makapagbigay ng mataas na kalidad ng skills training upang makatulong na maparami ang mga Pilipinong makapag-aambag ng kanilang talento sa larangan ng teknikal na kasanayan.

Sa pamamagitan ng pakikipagsanib puwersa ng TESDA sa PCCI na isang malaking business organization sa bansa ay magkakatulungan ang mga ito upang makalikha ng mga empleyadong may higit na kakayahan sa larangan ng technical skills.

“The parties shall promote and facilitate Dual Training System (DTS) and assist business chambers, industry and trade association and enterprises in the promotion and implementation of TVET (Technical-Vocational Education and Training) programs”, sang-ayon pa sa MOA.

Bukod kay Mamondiong ay lumagda din sa MOA si PCCI President George Barcelon habang nagsilbing saksi naman sina TESDA Deputy Director General for Partnership and Linkages Rebecca Calzado at si PCCI Human Resources Development Foundation, Inc. President Dr. Alfredo Fenix, Jr.