January 11, 2017
Nakatakdang magtayo ng farm school ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matulungan ang mga kababayan nating magsasaka at mangingisda na magkaroon ng sapat na kasanayan sa naturang larangan at mapaangat ang kanilang kabuhayan.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, layunin ng farm school na mabigyan ang mga magsasaka at mangingisda ng sapat na kaalaman upang mapalaki ang kanilang ani at tuluyang lumaki ang kanilang kinikita.
“Specifically, the project aims to provide scholarship grants to the farmers and fisherfolks, their families and relatives, extension workers and facilitators and trainers to assist the farm owners in building the capability and capacity of their farms thus increase productivity”, nakasaad pa sa TESDA circular.
Magiging katuwang ng TESDA sa naturang proyekto ang Department of Agriculture-Agriculture Training Institute (DA-ATI) at Department of Agrarian Reform (DAR) na siyang maghahanap ng lugar kung saan maaaring itayo ang farm school sa bansa.
Sa pamamagitan ng pagtatayo ng farm school sa bansa ay mas madaragdagan ang magkakaroon ng interes na matuto ng skills training kung saan ay ituturo sa kanila ang mga paraan ng pagpapalaki ng kita sa kanilang sakahan.
Lumalabas kasi sa pag-aral na umaabot lamang sa P2,300 ang kinikita kada buwan ng isang magsasaka kung siya ay may isinasakang 1.5 hektarya ng lupain kaya’t hindi sumasapat ang kanilang kinikita sa pagkain ng kanilang pamilya.
Ito rin ang dahilan kung bakit ayaw manahin ng kanilang mga anak ang pagsasaka dahil nakikita ng mga ito na maliit ang kinikita sa pagtatanim kaya’t naisipan ng TESDA na magkaroon ng farm school upang madagdagan ang mga nagkakainteres sa pagsasaka at tulungan ang mga ito na mapalaki ang kita.
“The concept of the farm schools is based on the Farm Field Schools (FFS) developed by the UN Food Agriculture Organization (FAO) to help farmers become competitive and seize advantage of the opportunities in the market by operating their farms efficiently and profitably”, sabi pa ng TESDA director general.
Inatasan na rin ni Mamondiong ang lahat ng regional at provincial directors ng TESDA na ipaalam sa kanilang mga nasasakupan ang pagtatayo ng farm school upang dumami ang makapagpatala sa pagbibigay ng libreng pag-aaral sa mga ito.
Share this page