January 09, 2017
Upang tuluyang makabangon sa kanilang masamang karanasan sanhi ng epekto ng Bagyong Nina ay nakatakdang magbigay ng scholarship ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga naging biktima ng nasabing sakuna bukod pa sa community based training program at training con production na ilalaan para muling maitayo ang tahanan ng mga apektadong pamilya.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, kasalukuyan nang iniisa-isa ng mga tauhan ng kanilang ahensiya ang mga lugar na tinamaan ng Bagyong Nina partikular na ang mga probinsiya ng Mindoro, Marinduque, Batangas, Catanduanes, Legaspi, Sorsogon, Albay, Camarines Sur at iba pang lugar sa Southern Tagalog.
Aniya, bukod sa scholarship na ipagkakaloob ng TESDA ay bibigyan din ang mga residente ng community based training program kung saan ay tuturuan ang mga ito ng pagkakakitaan base na rin sa mga matatagpuan sa kanilang paligid habang ang training con production naman ay karagdagan ang kanilang kaalaman kung paano muling maitatayo ang kanilang mga tahanan.
“Inaasahan natin na sa pamamagitan ng inisyatibo nating ito ay matulungan natin ang ating mga kababayan sa mga naturang lugar na makalimutan ang kanilang masamang karanasan at mas magiging madali din para sa kanila ang pagbangon”, sabi pa ni Mamondiong.
Nakatakda ring magtungo ang grupo ng TESDA sa mga naturang lugar sa pangunguna ni Mamondiong upang alamin ang sinapit ng ating mga kababayan at kung ano pa ang maaaring maitulong sa mga ito bukod sa pagbibigay ng scholarship.
Makikipag-ugnayan din ang TESDA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mas mapadali ang pagkuha ng mga pangalan ng mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Nina.
Matatandaan na noong pagdiriwang ng Pasko ay nanalasa ang Bagyong Nina sa ilang probinsiya sa Southern Tagalog dahilan upang maging malungkot ang araw na dapat sana ay nagsasaya ang mga kababayan nating naninirahan sa mga nabanggit na lugar.
Kamakailan din ay naglaan si Mamondiong ng mahigit sa 100,000 scholarship na ipagkakaloob sa mga kababayan nating naninirahan sa Bicol Region at ilang lugar sa Kabisayaan na makukuha ng mga benipisyaryo ngayong taon.
Nanawagan si Mamondiong sa mga kababayan nating naninirahan sa mga naturang lugar na magtungo lamang sa district at provincial office ng TESDA upang maipalista ang kanilang mga pangalan para mabigyan ng libreng pag-aaral o kaya naman ay bisitahin ang website ng kanilang ahensiya na www.tesda.gov.ph.
Share this page