December 11, 2016
Hiniling ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang sindikato na nagpapakalat ng pekeng National Certificate (NC) at Certificate of Competency (COC) na ibinibigay lamang ng naturang ahensiya.
Ayon kay Mamondiong, labis na nakababahala ang pagkalat ng pekeng TESDA certificates sa buong bansa dahil ang nakataya dito ay ang kredibilidad ng TESDA na siyang nagtuturo ng skills training sa ating mga kababayan.
Base sa impormasyong nakarating sa kalihim, may sindikato na gumagawa ng pekeng TESDA certificates na siyang ibinebenta ng mga ito sa mga kababayan nating nangangailangan nito upang makakuha ng mapapasukang trabaho.
Kasabay nito, nagbabala din si Mamondiong sa nagpapakalat at bumibili ng pekeng TESDA certificate na pananagutin ang mga ito ng gobyerno kapag nahuli dahil isa itong paglabag sa umiiral na batas sa ating bansa.
Inatasan na rin ni Mamondiong ang lahat ng provincial at regional offices ng TESDA na magsagawa ng kanilang sariling imbestigasyon upang mapadali ang paghuli sa mga taong nagpapakalat ng pekeng TESDA certificates.
Ang NC ay ipinagkakaloob sa mga nagtapos ng kurso o pumasa sa assessment ng TESDA na nagpapatunay na nagkaroon ito ng sapat na training o kakayahan at handa na itong pumalaot sa kanyang napiling propesyon habang ang COC naman ay ibinibigay sa mga hindi nakakuha ng NC.
Nagtataka din si Mamondiong kung paano nagagawang mapeke ang NC at COC samantalang ang papel na ginagamit sa paggawa nito ay nanggagaling lamang sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na tinatawag ding security paper.
Hiniling din ng kalihim sa mga mamamayan na makipagtulungan sa kanilang ahensiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na makapagtuturo sa mga taong nagpapakalat ng pekeng TESDA certificate nang sa gayon ay mapadali ang paghuli sa mga ito at agad na mapanagot sa batas.
Pinag-aaralan na rin ng ahensiya ang pagdagdag ng tanda sa NC at COC upang mahirapan itong mapeke habang hinihikayat pa ni Mamondiong ang bumisita sa website na www.tesda.gov.ph para matukoy kung ang isang tao ay mayroong certificate mula sa TESDA.
Share this page