19 October 2016
Upang higit pang mapalawak ang kaalaman ng mga nagtapos ng training sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay tututukan ni Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong ang pagbibigay ng karagdagang kasanayan sa mga ito.
Ang programang ito ng kalihim ay kasama sa 17-point Reform and Development Agenda ng TESDA para sa susunod na mga taon na layuning mas higit pang matutukan ang kakayanan ng mga nagsipagtapos ng training sa nabanggit na ahensiya.
“As part of lifelong learning and continuing skills enhancement of the workforce, skills training programs shall also be made available to TESDA’s alumni or the previous recipient of TESDA training and scholarship programs”, nakasaad pa sa 17-point Reform and Development Agenda.
Ayon kay Mamondiong, layunin ng programang ito na mapalakas pa ang teknikal na kakayahan at kahusayan ng mga Filipino na nagsipagtapos ng training sa TESDA at upang makaagapay ang mga ito sa modernong teknolohiya.
Para sa mga TESDA graduates na gustong mapasama sa proyektong ito ay kinakailangan lamang makipag-ugnayan ng mga ito sa kanilang provincial at regional office upang matukoy kung anong training ang kanilang gustong idagdag sa kanilang kaalaman.
Sa pamamagitan din nito ay magkakaroon na ng kontak ang TESDA sa mga nagsipagtapos sakali mang may kumpanya na mangailangan ng skilled worker ay agad silang matatawagan upang mabigyan ng dagdag na pagkakakitaan.
Bukod sa programang ito (Continuing Program for TESDA Alumni), kabilang din sa 17-point Reform and Development Agenda ng TESDA ang Barangay-based Scholarship Program; On-line Scholarship Application; Walk-in Scholarship Application; Technical Audit of TVET Schools and Programs; Skills Training for Drug Dependents; Skills Training for Entrepreneurs and Family Enterprises; Skills Training for Inmates and their Families; OFW’s Reintegration; Special Skills Program for the Indigenous People; Expanded Training Program for Women and PWDs; Global Access to/On-line Database of TVET Graduates and Certified Skilled Workers; Strengthen Linkages with the Agro-Industrial Sector; Strengthen Linkages with Foreign Skills Training/Funding Institutions; Linkages with State Universities and Colleges (SUCs) and Local Universities and Colleges (LUCs); Transparency; Moral Renewal.
“This is aimed to further improve the technical competence and excellence of the Filipino trained workers and keep them abreast of modern technologies for them to upgrade their skills”, sabi pa ni Mamondiong.
Share this page