12 October 2016
Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang hanay ng ahensiya ng gobyerno laban sa paggamit ng ipinagbabawal na droga ay kumasa na mandatory random drug testing ang mga kawani ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
 
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene”Mamondiong, sa pamamagitan ng isasagawang mandatory random drug testing ay masisiguro na walang sinuman sa mga tauhan ng TESDA at mga nagsasanay ang gumagamit ng ipinagbabawal na droga.
 
“This is in support to the pronouncement of President Rodrigo R. Duterte to eradicate illegal drugs in all sectors of society, and as stipulated in RA 9165 otherwise known as the "Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002"; and CSC Memorandum Circular No. 13, series of 2010 entitled "Guidelines for a Drug-free Workplace in the Bureaucracy", nakasaad pa sa TESDA Memorandum No. 147, Series of 2016.
 
Base sa naturang memorandum, inaatasan ang lahat ng TESDA Regional Directors na magsaawa ng mandatory random drug testing sa kanilang mga nasasakupang lugar sa pakikipag-koordinasyon na rin ng Department of Health (DOH) Regional Offices.
 
Bukod sa drug testing, magsasagawa rin ng ilang programa ang TESDA upang maintindihan ng mga empleyado at estudiyante ang masamang epekto na naidudulot nito sa katawan ng taong gumagamit ng droga at kung paano ito maiiwasan.
 
Nakasaad pa sa panuntunan ng Civil Service Commission (CSC), ang sinumang empleyado ng gobyerno na mapapatunayang gumagamit ng ipinagbabawal na droga ay maaaring makasuhan ng disciplinary/administrative at ang pinakamabigat na parusa ay ang matanggal sa serbisyo.
 
Bumuo din ang TESDA ng Technical Working Group (TWG) na siyang mangangasiwa sa isasagawang mandatory random drug testing sa lahat ng trainees at personnel ng naturang ahensiya.
 
Kabilang sa tungkuling nakaatang sa TWG ay ang pagbuo ng polisiya, plano at panuntunan sa implementasyon ng mandatory random drug testing ng trainees at TESDA personnel base na rin sa panuntunan ng republic act 9165.