October 9, 2016
HINDI na mahihirapan ngayon ang mga kababayan natin na gustong makapagpatala at makakuha ng Technical Vocational Education and Training (TVET) sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) matapos na buksan ang online application para sa tatlong scholarship programs.
Ayon kay TESDA Director General Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, kabilang sa online application ang mga kursong Training for Work Scholarship Program (TWSP), Private Education Student Financial Assistance (PESFA) at Special Training for Employment Program (STEP).
Aniya, napakadali lamang ang pagkuha ng online application, kinakailangang lamang magtungo sa website ng TESDA (www.tesda.gov.ph/Education or Barangay), kumpletuhin ang form at i–click ang “create”. Matapos ito ay makatatanggap ang aplikante ng confirmation sa kanyang email na may kalakip na kakaibang Learner’s ID o kaya naman ay i-click ang “barangay kasanayan para sa kabuhayan at kapayapaan”.
Ipadadala ang application sa kinauukulang TESDA Provincial Offices at dahil ilalagay ng aplikante ang nagustuhang technical vocational course ay agad din itong makararating sa Technological Institutions o kaya naman ay sa private-owned TVET provider.
Matapos ma-proseso ng TESDA Provincial Office ang scholarship application ay makatatanggap ng email ang aplikante kung saan ay nakasaad dito kung kailan magsisimula ang training at kung saang training institution ito gaganapin.
Upang lalo pang mapadali ang proseso ay mababasa ng mga aplikante sa iba’t-ibang salita ang mga nilalaman ng application na kinabibilangan ng English, Tagalog, Bisaya at Ilokano.
“Applying for a TESDA scholarship online is now a 5-10 minute procedure. We have tried our best to make it as convenient and hassle-free. There is now no reason why anyone cannot avail of free tech-voc training and enjoy the opportunities that it will bring,” sabi pa ng TESDA Secretary.
Ang online application for scholarship ay isa lamang sa Reform and Development Agenda ng TESDA na naglalayong mabawasan ang kahirapan sa bawat panig ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman sa mamamayan at magkaroon ang mga ito ng malaking oportunidad na makahanap na magandang trabaho.
Base sa record, simula 2010 hanggang sa kalagitnaan ng 2016 ay umabot na sa 10,543,440 ang nakapagtapos sa technical vocational education and training mula sa institutional training programs, enterprise-based training program at online programs nito. Sa panahong ito, umabot sa P11 billion ang nagastos sa TVET scholarship ng TESDA na pinakinabangan ng mahigit 1.2 milyong graduates.
Napag-alaman din na umabot sa 65.4% na TVET graduates ang nakakuha ng kanilang mga trabaho simula noong taong 2005 hanggang sa kasalukuyan.
Share this page