08 August 2011
IBABAHAGI ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) katuwang ang isang vocational institution sa Japan ang kanilang kasanayan sa technical vocational education sa mga kasaping bansa ng ASEAN.
Napapaloob ito sa isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ng TESDA at Japan Vocational Ability Development Association (JAVADA) kung saan bibigyan ng technical assistance ang walong kinatawan ng pamahalaan at sektor pagkabuhayan ng Cambodia, Laos, Myanmar at Vietnam (CLMV).
Nitong nakalipas na Agosto 1 hanggang 3, itinaguyod ng TESDA sa pakikipagtulungan ng JAVADA ang ASEAN-Japan Collaboration Program on HRD (Human Resource Development) Focused on "Skills Promotion in an Enterprise-based Set-up" na pinondohan ng Japan's Ministry of Health, Labor and Welfare.
"Masasabi nating may mataas na pagkilala sa Pilipinas sa larangan ng technical vocational training dahil sa importansiya ng ating kurikulum at mataas na kalidad ng ating graduates," ayon kay TESDA Director General Joel Villanueva.
"Umaasa tayong maipagpapatuloy natin ang ating pagiging magandang halimbawa para sa mga kapitbahay sa ASEAN na nagsisimulang pagyamanin ang kanilang tech voc education and training bilang alternatibo sa pormal na edukasyon," aniya.
Dahil sa tumataas na matrikula sa kolehiyo, mas nagiging magandang option ang tech voc education ng TESDA para sa mas maraming mga kabataan na naghahangad na magamit ang kanilang mga kasanayan para sa pagkakaroon ng trabaho sa hinaharap.
Regular na sumasailalim sa masusing pagsusuri ang mga kursong isinusulong ng ahensiya para mapataas ang kalidad at matiyak na napapanahon pa rin ang mga ito sa pangangailangan ng ibat-ibang industriya at tapusin ang tinatawag na “mismatch” sa mga kakayahan at umiiral na trabaho sa merkado.
Ipinakita sa tatlong araw na pagpupulong ang mga bagay na nag-uugnay sa akademya at mga industriya at kung papaano tinitingnan ng merkado ang technical vocational education bilang pangunahing kaagapay sa pagpapataas ng kahusayan at produktibidad ng mga manggagawang Pilipino.
Binisita ng mga kalahok ng nasabing pagpupulong ang DM Consunji Inc., Pilipinas Hino at Uratex Corporation, lahat ay pawang kilala sa pagkuha ng serbisyo ng mga tech-voc graduates.
Malalim ang karanasan ng JAVADA sa pagkakaloob at pamamahala ng national skills testing at certification at pagbibigay ng panukala sa mga polisiya para mahimok ang Japanese labor na palakasin ang kasanayan ng kanilang mga manggagawa.
Sa panig naman ng TESDA, ipinagmamalaki nito ang maigting na pagpapalawig sa mga programang tutuon sa pagkakaroon de kalidad na graduates ng tech-voc courses sa pamamagitan ng pagbibigay ng assessment at certification sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay marami na ang mga kompanya na naghahanap ng sertipikasyon ng TESDA bago tumanggap ng mga aplikante sa trabaho.
"Patuloy kaming makikipag-tulungan sa mga kapitbahay sa ASEAN sa pamamagitan ng pagbahagi ng ating magandang technical vocational education. Sa tulong nito, mapapalakas natin ang human resources na itinuturing natin na pinaka-magandang puhunan sa kaunlaran," saad ni Villanueva.
Share this page