10 June 2011
KABILANG ang computer-related services, food and beverage service, housekeeping at automotive sa “top qualifications” na dinumog ng mga aplikante sa pagsusuri at sertipikasyong ibinigay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na pinamumunuan ni Director General Joel Villanueva.
Sa unang bugso ng programa nitong nakalipas na Marso at Abril, umabot sa kabuuang 14,401 na mga aplikante ang nabigyan ng sertipikasyon sa kabuuang 22,675 na sumailalim sa “assessment”.
Nahigitan ng 22,675 ang target na 20,000 na aplikante sa buong bansa ng National Technical Vocational Education Training Competency Assessment and Certification o NATCAC ng TESDA.
Naitala ang overseas Filipino workers (OFWs) na may pinakataas na 83% certification rate na pinakamataas sa hanay ng mga sumailalim sa libreng “competency assessment” na kinabilangan rin ng mga manggagawa, technical-vocational trainers, estudyante at dependents ng OFWs.
Nanguna naman ang kursong computer hardware servicing sa may pinakamataas na bilang nagpa-assessed sa TESDA (4,035), sinundan ng food and beverage services, 2,892; housekeeping, 2,471; programming, 2,225; automotive servicing, 1,928; electrical installation and maintenance, 1,653; shielded metal arc welding, 1,333; bread and pastry production, 966; driving NC III, 488; at driving NC II, 410.
Bukod sa pinakamalaking bilang ng mga aplikante sa computer hardware servicing, naitala rin nito ang pinakamataas na bilang ng certified applicants na 64% o 2,582 mula sa kabuuang 4,035.
Naitala rin ng TESDA ang mga mga sumusunod na qualification na 100% certification rate: food processing, 29; auto LPG, 16; construction painting, 100; baking and pastry production, 13; photography, 11; forklift operation, 8; at gas metal arc welding, 7.
Nagkaroon naman ng 99% certification rate ang carpentry kung saan isa lamang sa 88 na sumailalim sa pagsusuri ang bumagsak.
Narito ang iba pang certification rate: hairdressing, 98%; horticulture, 97%; massage therapy, 97%; at maliit na 8% naman sa programming.
“Maaaring mayroon tayong mga kakayahan at natapos na tech-voc course, ngunit kailangan ang patuloy na pagsasanay upang lagi tayong nangunguna sa pagtugon ng mga pangangailangan ng merkado,” ani Villanueva.
Sinabi ni Villanueva na tumataas ang kahalagahan na magkaroon ng sertipikasyon mula sa TESDA ang bihasang mga manggagawa dahil unti-unti na itong nagiging requirement sa paghahanap ng trabaho.
“Nangangilangan na sumailalim sa matinding pagsasanay ang isang TESDA specialista, kailangan ito ngayon sa ibat-ibang mga korporasyon,” ayon kay Villanueva.
Makakatulong rin sa TESDA ang iba’t-ibang kurso na inaalok sa ilalim ng NATCAC para alamin ang lakas ng bansa sa usapin ng bihasang mga manggagawa, dagdag ni Villanueva.
Naunang isinagawa ang NATCAC nitong nakalipas na Marso 28 hanggang Abril 5 sa buong bansa at inaasahang isa pang katulad na pagtataya ng kasanayan at pagkakaloob ng sertipikasyon para sa mgaTESDA Specialista ang isasagawa bago matapos ang taon.
Share this page