December 6, 2018

Sasailalim sa skills training ang mga magreretirong empleyado ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang maihanda sila kanilang magiging trabaho o gagawin matapos silang magretiro.

Inihayag ito ni TESDA Director General, Secretary Isidro S. Lapeña, sa harap ng mga opisyal at miyembro TESDA Association of Concerned Employees (ACE) National Council na pinamumunuan ni Senior TESD Specialist Renato Geron ng Partnerships and Linkages Office sa ginanap na courtesy call sa tanggapan ng bagong TESDA Chief sa Taguig City.

Ayon kay Secretary Lapeña mahalaga na magbigyan ng skills training ang mga magreretirong mga empleyado ng TESDA upang magkaroon sila ng trabaho paglabas ng TESDA.

“Minsan ang isang retirado ay bumabalik sa kanyang opisina kasi wala siyang alam gawin, kaya maganda sigurong na ang ating mga magreretirong empleyado ay sumailalim sa skills training para alam nila ang kanilang magiging trabaho paglabas ng ahensya,” ani Lapeña.

Kailangan ding bigyan ng 6 buwang paghahanda ang magreretirong empleyado upang asikasuhin nito ang kanyang mga retirement papers upang hindi na sila magastusan para magpabalik-balik sa kanilang tanggapan para mag-follow-up.

 

Aniya, dapat sa araw  mismo ng kanilang pagreretiro ay dala na nito ang kanyang matatanggap na  mga benepisyo particular ang pinasiyal.

Ito umano ay bahagi ng pagtatanaw ng utang na loob at papasalamat sa kanilang ibinigay na matagal na serbisyo sa ahensiya.

“Kailangan maibigay na agad ang kanyang mga retirement benefits on the day of his/her retirement, upang hindi na sila pabalik-balik, hindi na mahihirapan at magastusan sa pagpa-follow-up,” ani Lapeña.