TESDA-OPAPP MOA SIGNING ON THE IMPLEMENTATION OF THE TESDA SOCIO-ECONOMIC PROGRAMS FOR NORMALIZATION

Cotabato City | September 6, 2019

Magandang hapon sa inyong lahat! 
Nais ko pong pasalamatan ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP sa pagtitiwala sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA), na tumulong para mapadali ang pagbalik-loob ng 7,588 na combatants ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan ay gagawin bukas kasama ang ating Presidente, Mayor Rodrigo Roa Duterte. 

Ang TESDA - bilang miyembro ng Inter- Cabinet Cluster Mechanism on Normalization (ICCMN) na nakapaloob sa Executive Order No. 79 - ay natutuwa sa kasunduan na ito dahil ako ay naniniwala na ito ay talagang kailangan. 

Alinsunod sa Comprehensive Agreement of the Bangsamoro (CAB) at sa annex on normalization sa ilalim pa din ng Executive Order 79, layunin po ng TESDA na makatulong sa pagpapaunlad ng ating mga kapatid na Bangsamoro, sa pamamagitan ng scholarships at mga skills training upang mapalawak pa ang kanilang mga kaalaman at kakayahan. 

Sa ating layuning makamit ang kapayapaan sa Bangsamoro Region, maaasahan niyo po ang TESDA na magbibigay ng mga skills training na naaayon sa pangangailangan ng ating mga benepisyaryo mula sa MILF. 

Sa pamamagitan ng aming mga programa, sinisiguro namin na sila ay matututo ng panibagong kasanayan na makatutulong sa kanila upang magkaroon ng pangmatagalang hanap-buhay o pagkakakitaan. 

Gamit ang kanilang mga bagong kaalaman at kasanayan, magiging malaking bahagi sila sa pag-unlad ng kani-kanilang komunidad, pati na rin sa pagkamit ng kapayapaan at magandang buhay. Dahil rito, inaasahan din natin ang kanilang mapayapang paglahok sa mga usaping panlipunan. 

Isa sa mga paraan upang makamit natin ang matagalang kapayapaan at kaayusan ay siguruhin, na tayo, sa gobyerno, ay ipinaabot ang ating mga serbisyo sa lahat ng ating mga kababayan, lalo na sa mga nangangailangan, saan mang sulok sila naroroon. 

Nais kong ibahagi sa OPAPP, na kami sa TESDA, ay sumusunod sa parehong prinsipyo, patunay nito ang aming slogan, “TESDA, Abot Lahat.” 

Masaya ako na nagkaisa ang OPAPP at TESDA para sa ating mga kapatid sa Bangsamoro. Inaasahan ko rin ang pagbuo ng mga joint technical working groups sa national, regional, at field offices ng TESDA at OPAPP upang agaran nating masimulan ang pagususuri at paggawa ng mga polisiya para sa ating mga benepisyaryo sa Bangsamoro. 

Ang mga hangarin ng TESDA at OPAPP na nakasaad sa nilagdaan nating Memorandum of Agreement ay naaayon sa CAB at EO 79 upang ang mga programa ng parehong ahensiya ay maayos at mabilis na maisagawa. 

Batay sa ating kasunduan, ang lahat ng isasagawa nating proyekto ay tiyak na makakatulong sa pagsusulong ng kapayaan at kaayusan. 

Titiyakin namin sa TESDA na makabuo ng technical education and skills training programs na susuporta at naayon sa normalization process sa Bangsamoro, para sa mga kaanib o combatants ng MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) kasama na din ang kanilang mga dependents at pati mga komunidad. Ito ay kabibilangan din ng anim pang MILF camps na nauna nang kinilala at nakasaad sa ating kasunduan. 

Kasama ang mga kawani ng TESDA, nais naming tiyakin sa OPAPP na ang mga benepisyo ay aming ihahatid sa tamang oras, nararapat at maayos na skills training programs, na naayon sa mga mekanismo ng EO 79. 

Muli, maraming salamat na naging bahagi ang TESDA sa pagtutulungang ito. Magtulungan tayo upang isulong ang pangmatagalang kapayapaan para sa Bangsamoro people. Sama-sama tayo upang isulong ang ating tungkulin para paunlarin ang rehiyon at para makamit ang pangmatagalang kabuhayan. Tulungan natin sila na makamit ang isang mapayapa at produktibong lipunan. 

Maraming salamat at mabuhay ang Bangsamoro!

Back to Speeches