Launching of Tsuper Iskolar Program

Sison Auditorium, Lingayen, Pangasinan 04 April 2019, 9:00 AM

Magandang umaga sa inyong lahat!     

Napakahalaga ng araw na ito at ako po ay talagang natutuwa na makita ngayon ang ibang ahensya ng ating gobyerno at nagsama-sama tayo para sa isang napakagandang proyekto para sa ating mga kababayan. 

Eto ay nagpapatunay na ang bawat sangay ng Gobyerno lalu na kung nagkakaisa at magkakasama ay mas makakapaghatid pa ng mas mahusay na serbisyo lalu na sa ating kapwa Pinoy na nangangailangan ng tulong.

Ang proyektong PUVMP o Public Utility Vehicle Modernization Program ay isa lang sa maraming proyekto ng Administrasyon ng ating Presidente, Mayor Rodrigo Duterte. Layunin ng PUVMP na mabigyan ang mamamayang Pilipino ng transportasyon na mas moderno, mas maayos at mas angkop sa ating kapaligiran. Sa ilalim ng PUVMP, nais ng Gobyerno na maitaas ang dignidad ng pamumuhay ng mga tulad ninyong tsuper at PUV operators. Sa programang ito, mabibigyan ninyo nang mas ligtas at komportableng transportasyon ang ating milyon-milyong kababayan na umaasa sa mga pampasaherong jeep at bus. 

Alam nating lahat na panahon na rin upang mas paunlarin at pagandahin ang sektor ng pampublikong transportasyon.

Nauunawaan po namin ang agam-agam ng ilan nating kababayan mula sa sektor ng transportasyon hinggil sa  PUV modernization.   Gusto naming ipaalam sa inyo na ang  TESDA at  DOTr ay masusing nagtutulungan para ang transition sa pag-modernisa ng sektor ay maging mas maayos at madali kung kaya't inilunsad natin ngayon ang ating  “Tsuper Iskolar” Program.

Ang mga stakeholders mula sa transportation sector, lalu na ang mga PUV drivers ay makakaasa ng tulong mula sa TESDA sa pamamagitan ng libreng skills training.  Hindi dapat mangamba ang ating mga PUV drivers at iba pang stakeholders na mabalewala habang mas pinapaunlad at pinapaganda ng DOTr ang sistema ng pampublikong transportasyon. 

Ang mga kasama po natin ngayon na 900 beneficiaries ng Tsuper Iskolar ay unang batch lamang. Sa mga susunud na buwan, marami pa tayong inaasahang mabibigyan ng scholarship o libreng skills training mula sa iba't ibang lugar sa buong Pilipinas.

Naglaan na po ang DOTr ng budget na nagkakahalaga ng Php 175M,  kalahati ng kabuuong budget, upang pondohan ang training ng unang batch at ang iba pang susunud na batch ng iskolars.

Bukod po sa libreng skills and entrepreneurship training, ang mga  beneficiaries o iskolars ay makakatanggap din ng food at transportation allowance.

Hindi lang po PUV drivers at operators ang maaaring makinabang sa Tsuper Iskolar. Kabilang sa beneficiaries ay mga kapamilya ng drivers at operators at maging ang mga bago sa industriya.  

Nais ko ding ibalita sa inyo na ang TESDA ay patuloy na palalawakin pa ang mga training programs para matiyak na matugunan ang mga probisyon alinsunod sa PUV modernization. Sa kasalukuyan ay isinasaayos na ng TESDA ang kurso para sa speed limiters at speed automotive servicing para sa Euro-4 compliant vehicles.

Tinitiyak din sa inyo ng TESDA na kami ay tutulong sa inyo upang magkaroon kayo ng trabaho o iba pang pangkabuhayan pagkatapos ng inyong training.  

This is how we do things now in TESDA.  We go beyond the skills training. Our mission includes helping our graduates find jobs or livelihood after undergoing TESDA training

Sabi nga po namin sa “TESDA Abot Lahat”. Ito ay pagpapatunay na hangad maabot ng TESDA ang ibat-ibang sektor ng lipunan para mabigyan ng skills training at matulungan na maitaas ang antas ng pamumuhay. 

Sa pagkakataong ito, nais ko pong pasalamatan ang butihing Governor- Gov. Amado Espino – salamat po sa inyong tulong upang mailunsad natin ang programang Tsuper Iskolar.  

Malaking pasasalamat din po ang nais kong ipaabot  sa DOTr, higit sa lahat kay Secretary Tugade para sa kanyang tulong at tiwala sa TESDA upang maisagawa ang programang Tsuper Iskolar.

Gusto ko ding batiin ang unang batch ng ating Tsuper Iskolar Program. Ngayon pa lang, Congratulations sa inyong lahat! Sana ay matagumpay nyong matapos ang libreng skills training na hatid ng TESDA at DOTr. 

Maraming salamat at mabuhay po ang ating mga Tsuper Iskolars!

Back to Speeches