TESDA: 85 private vocational schools nasa ‘hot water’


April 17, 2018

May 85 Technical Vocational Institutions (TVIs) sa buong bansa  ang nasa ‘hot water’  matapos matuklasan na lumalabag at hindi sumusunod sa mga alituntunin at  implementing guidelines ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagpapatupad ng  mga scholarship programs ng ahensya.

Ito ay matapos na masilip sa mga isinagawang  ‘spot inspection’  ng National Inspectorate for Scholarship Programs (NISP)  ng TESDA ang nagaganap na katiwalian sa natuklasang  rehistradong technical-vocational (tech-voc) courses  at accredited training centers mula 2017 hanggang 2018 sa buong bansa.

Kaugnay nito, agad  na iniutos ni TESDA Director General  General Guiling “Gene” A. Mamondiong   sa binuong validation committee na isailalim sa pinal na validation  at mahigpit na pagsisiyasat  ang 85 na   TVIs upang maipatupad na ang karampatang aksyon laban sa mga ito  sa lalong madaling panahon kasama na dito ang pagkansela ng kanilang TESDA registration.

“The Validation Committee is tasked to verify the findings of the National Inspectorate for the Scholarship (NISP) starting 16 April 2018 to 30 April 2018 and shall submit a report thereto with its recommendation on 07 May 2018,” ani Mamondiong.

Ang 5-man Validation Committee ay pinamumunuan ni  Director Angelina M. Carreon, Director lll, Planning Office, bilang chairperson na siyang magsasagawa ng  validation sa mga TVIs at TESDA Technical Institutions (TTIs) na nakitan ng paglabag sa TESDA rules and regulations kaugnay sa scholarship guidelines.

Inatasan din nito ang mga kinaukulang regional at provincial/district offices na magbigay ng buong suporta sa  validation committee.

Sa isinumiteng  ulat ni NISP Project Team na pinamumunuan ni Dir. John D. Simborios,  sa nasabing bilang ng TVIs, 43 dito  ang inirekomendang  ipapasara  at kakanselahin naman   ang  TESDA registration  programs para sa 42.

Sa mga inirekomendang  ipapasara, apat dito nasa National Capital Region (NCR); dalawa sa Cordillera Region (CAR); 21 sa Region 3; 12 sa  Region lV-A; tatlo sa Region X; at isa sa Region 1.

Sa 42 na binigyan ng huling babala, isa sa NCR; dalawa  sa CAR;  apat Region l; dalawa sa  Region ll; 11 sa Region lll na siyang may pinakamataas; pito  sa Region lV-A; isa sa Region V at Vl;  apat sa  Region Vll; anim sa Region X; dalawa sa Region Xl ; at  isa sa Region Xll.

Samantala, may 467 TVIs pa  silang isasailalim sa  ‘spot inspection’ upang malaman kung  alin sa mga ito  ang mga di sumusunod sa mga alituntunin ng scholarship ng ahensya.  Target ng NISP hanggang April 30 para tapusin ang kanilang inspection.

Karamihan sa mga nakitang paglabag ng mga  TVIs na hindi pa pinapangalanan ay ang  hindi  matagpuan sa mga ibinigay na address ng schools, nangongolekta ng pondo  subalit lumilipat ng address at nagpapalit ng pangalan; walang mga estudyante;  may isang taon ng sarado nang magsagawa ng pagbisita, walang natatagpuan ang school  sa ibinigay na address pero  nakikita sa ibang lugar at   hindi  na nag-e-exist.

Naniniwala si Simborios  na mahalaga na mabantayan ang pondo na inilalaan ng gobyerno sa mga mamayan particular sa mga mahihirap sa pamamagitan ng TESDA scholarship grants para makapagtapos sila at makakuha ng maayos na trabaho.

Kung matatandaan, binuo ni Mamondiong noong Pebrero 1, 2017 ang NISP na naglalayon na bantayan at siguraduhin na ang pondo ng gobyerno para sa mga scholarship program na pinadadaan sa mga private vocational training centers ay maayos at tama na ipinatutupad batay sa mga patakaran at alituntunin ng TESDA.

Bukod pa dito, nagsagawa din ng Technical Audit ang ahensya mula 2016 hanggang sa taong kasalukuyan. Ayon sa resulta nitong Pebrero 2018,  lumabas na  18,288   scholarship programs o kurso ang  na-audit at 10,637 sa nasabing bilang ang sumusunod sa panuntunan ng TESDA,  572 ang hindi habang 773 naman ang isasara.

Noong Agosto 30, 2017 kasabay sa  pagdiriwang ng ika-23 taong anibersaryo ng TESDA, nagdeklara si Mamondiong  na  corruption at drug free  ang ahensya  sa harap mismo ni  Pangulong Rodrigo Duterte nang dumalo ang huli sa  nasabing pagdiriwang.

Kung matatandaan noong 2016 ay inihayag ni Mamondiong na handa itong magbigay ng P50,000 pabuya sa sinumang magbibigay ng matibay na impormasyon kaugnay sa kumakalat na alingasngas sa katiwalian sa ahensya na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring lumalabas para magturo.

Kamakailan, binalaan ni Mamondiong ang mga TVIs na papatawan ng parusa at kanselahin ang mga nakarehistrong programa o kurso sakaling mapatunayang saangkot ang mga ito sa ‘hokus-pokus’ sa mga scholarship programs ng ahensya.




Back to List

 

Like us on Facebook

 
 
Fact Sheet
 
 
CRDA
 
scholarship
 
PQF
 
k12
household service worker profiling
FindWork

TESDA Hotline

Please be advised that the TESDA SMS facility is currently unavailable.
All inquiries may be coursed through our :
  Tel. No: (02) 888-5641 to 46
  (Text Only) Send to 0917-4794370 (Globe)
  Email: contactcenter@tesda.gov.ph