MENU

500 armchairs mula sa hotlogs, ipinamahagi sa QC


22 August 2011

SINIMULAN nang ipamahagi sa mga pampublikong paaralan sa bansa ang mga silyang gawa sa mga nakumpiskang troso.
 
Umabot sa mahigit na 500 bangko ang dinala sa Ramon Magsaysay High School sa Cubao, Quezon City, isa sa may pinakamalaking bilang ng mga mag-aaral sa Metro Manila, ngayong Lunes upang tugunan ang kakulangan nito sa mga upuan.??
 
Nasabay ang pagkakaloob ng silya sa pagsisimula ng isang linggong paggunita sa ika-17 anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), isa sa nangungunang mga ahensiya na nagsusulong ng programang tinawag na P-Noy Bayanihan.?
Kabilang si TESDA Sec. Joel Villanueva sa dumalo sa pagkakaloob ng silya kasama nina Department of Education (DepEd) Sec. Armin Luistro, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) President and Chief Operating Officer Jorge Sarmiento at mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).?
“Matagal nang dumaranas ng matinding kakapusan sa mga upuan ang mga pampublikong eskuwelahan.  Nakakatuwang makasama kami sa P-Noy Bayanihan at makatulong sa paglutas ng problema,” pahayag ni Villanueva.?
Nauna nang sinabi ni Luistro ang pagkakaroon ng 2,573,212 kakapusan sa bangko ngayong taon.
 
Sinabi ni Villanueva na layon ng proyekto na maibsan ang kakapusan sa silya at makatipid rin ng salapi ang pamahalaan.
 
Naglaan ang PAGCOR ng P100 milyong pondo para sa proyekto upang magamit ang mga trosong nakumpiska ng DENR mula sa ibat-ibang mga lalawigan.
 
Nakasalalay naman sa TESDA ang paghahanap ng lugar kung saan gagawin ang mga upuan katuwang ang kanilang skilled graduates. 
 
Sa panig ng DepEd, ito ang gumagawa ng disenyo at tumutukoy ng mga eskuwelahang makikinabang sa mga silya hanggang madala ang mga ito sa pampublikong paaralan.
 
Matapos makapagdala ng upuan sa Ramon Magsaysay High School, 500 silya rin ang nakahandang dalhin ng DepEd sa iba pang  mga eskuwelahan.
 
Kabilang ang mga pampublikong eskuwelahan sa Caraga region sa mga makikinabang sa proyekto kung saan umaabot sa 40,000 ang kakapusan doon sa silya.?
 
Ilang lalawigan rin sa katimugang bahagi ng Pilipinas ang mayroong malaking kakapusan sa upuan na kinabibilangan ng mga sumusunod na mga lalawigan at bilang ng kakulangan: Bukidnon (25,844) at Misamis Oriental (12,872) sa Rehiyon 10 at Compostela Valley (8,057) at Davao del Norte (7,936) sa Rehiyon 11.??
Sakaling dumating na ang ilang pang kailangang kagamitan mula sa Pagcor, sinabi ni Villanueva na target ng TESDA na makalikha ng 20,000 silya kada buwan at inaasahang 260,000 upuan pa ang magagawa ng pitong milyong board feet na kahoy na nakumpiska sa Caraga region.
 
Sa kaugnay na balita, sinabi ni Villanueva na nagsasagawa rin ng katulad na programa sa Davao Oriental.
 
Sinimulan sa pangunguna ni Davao Oriental Representative Thelma Z. Almario ang Skills Training in Specialized School Furniture Production Technology.
 
Layunin ng nasabing programa na matugunan ang kawalan ng mga upuan sa pampublikong paaralan sa nasabing lugar.
 
Sa pagtutulungan ng provincial offices ng DENR , DepEd at TESDA at suporta ni Congresswoman Almario ay nauna nang nakapagpadala ng 118 desks sa Badas National High School at 225 desks naman para sa Tagawisan Elementary School.




Back to List