MENU

TESDA, ibabahagi ang kasanayang tech voc sa ibang bansa ng ASEAN


08 August 2011

IBABAHAGI ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) katuwang ang isang vocational institution sa Japan ang kanilang kasanayan sa technical vocational education sa mga kasaping bansa ng ASEAN.

Napapaloob ito sa isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ng TESDA at  Japan Vocational Ability Development Association (JAVADA)  kung saan bibigyan ng technical assistance ang walong kinatawan ng pamahalaan at sektor pagkabuhayan ng  Cambodia, Laos, Myanmar at Vietnam (CLMV).

Nitong nakalipas na Agosto 1 hanggang 3,  itinaguyod ng  TESDA  sa pakikipagtulungan ng JAVADA ang  ASEAN-Japan Collaboration Program on HRD (Human Resource Development)  Focused on  "Skills Promotion in an Enterprise-based Set-up" na pinondohan ng Japan's Ministry of Health, Labor and Welfare.

"Masasabi nating  may mataas na pagkilala sa  Pilipinas sa larangan ng  technical vocational training dahil sa importansiya ng ating kurikulum at mataas na kalidad ng ating graduates," ayon kay TESDA Director General Joel Villanueva.

"Umaasa tayong maipagpapatuloy natin ang  ating pagiging magandang  halimbawa para sa mga kapitbahay sa ASEAN na nagsisimulang pagyamanin ang kanilang tech voc education and training  bilang alternatibo sa pormal na edukasyon," aniya.

Dahil sa tumataas na matrikula sa kolehiyo, mas  nagiging  magandang option  ang  tech voc education ng TESDA para sa mas  maraming mga  kabataan na naghahangad na magamit ang kanilang mga kasanayan para sa  pagkakaroon ng  trabaho  sa hinaharap.

Regular na sumasailalim sa masusing  pagsusuri  ang mga kursong  isinusulong  ng ahensiya para mapataas ang kalidad at matiyak na napapanahon pa rin ang mga ito sa pangangailangan ng ibat-ibang industriya at tapusin ang tinatawag na “mismatch” sa mga kakayahan at umiiral na trabaho sa merkado.

Ipinakita sa tatlong araw na  pagpupulong  ang mga  bagay na nag-uugnay sa akademya at mga industriya at kung papaano tinitingnan ng merkado ang technical vocational education bilang pangunahing  kaagapay sa pagpapataas ng kahusayan at produktibidad ng mga manggagawang Pilipino.

Binisita ng mga kalahok  ng nasabing pagpupulong ang DM Consunji Inc., Pilipinas Hino at Uratex Corporation, lahat ay pawang kilala sa pagkuha ng serbisyo ng mga tech-voc graduates.

Malalim ang  karanasan ng JAVADA sa pagkakaloob at pamamahala ng national skills testing at certification at pagbibigay ng panukala sa mga polisiya para mahimok ang Japanese labor na palakasin ang kasanayan ng kanilang mga manggagawa.

Sa panig naman ng TESDA, ipinagmamalaki nito ang maigting na pagpapalawig sa mga programang tutuon sa pagkakaroon de kalidad na graduates ng tech-voc courses sa pamamagitan ng pagbibigay ng assessment at certification sa mga ito.

Sa kasalukuyan ay marami na  ang  mga kompanya na naghahanap ng sertipikasyon ng TESDA  bago tumanggap ng mga aplikante sa trabaho.

"Patuloy kaming makikipag-tulungan sa mga kapitbahay sa ASEAN sa pamamagitan ng pagbahagi ng ating magandang technical vocational education. Sa tulong nito, mapapalakas natin ang human resources na itinuturing natin na pinaka-magandang puhunan sa kaunlaran," saad ni Villanueva.




Back to List