MENU

Bataan TESDA, nakapagtala ng 78% employment rate


03 June 2011

POSITIBO ang kinabukasan ng technical and vocational education sa Bataan kung saan walo sa 10 nagsipagtapos na mga iskolar ang agarang nakakakuha ng trabaho.

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga estudyante ng Training Institutions sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at mga katuwang na eskwelahan,  patunay na talagang malaki ang pangangailangan sa trabaho ng “skilled workers” sa loob at labas ng bansa.

Sa unang ilang buwan ng 2011, domoble ang bilang ng mga estudyante sa Bataan para sa “Real Deal technical education skills development (TESD)” mula 3,753 tungong 7,175 at tumaas rin sa 6,818 ang mga nagsipagtapos mula sa dating 3,565.

Sa nasabing bilang, nalaman ng TESDA na umabot sa 6,578 ang sumailalim sa assessment at 5,591 ang nabigyan ng sertipikasyon.

“Sinisiguro ng TESDA na maibibigay ang pinaka-mataas na antas ng pagsasanay para sa kaunlaran ng bansa at makikinabang ang mga pinakamamahirap sa programa sa tulong ng pampubliko at pribadong mga sektor,” pahayag ni TESDA Director General Joel Villanueva.

“Malaki ang pagtaas ng bilang ng mga pumapasok na mga estudyante. Masaya kami na nakikita ng mga tao ang importansiya ng mga programa ng TESDA,” ayon kay Villanueva.

Katangi-tangi ang impresibong “performance” ng mga programa ng TESDA sa lalawigan noong 2010 kung saan naitala ang 77.6% “employment rate” ng mga nagsipagtapos.

Mula Enero hanggang Disyembre 2010, nakapagtala ang Bataan ng 7,176 mga estudyanteng nagsipagtapos sa hanay ng 9,482 na nagpa-enroll sa mga kurso.

Para sa Training for Work Scholarship Program (TWSP), 716 slots ang pinakinabangan ng mga iskolar na mayroong P5 milyong badyet.

Sa Private Education Student Fund Assistance (PESFA) program, umabot sa 77 ang mga iskolar ng TESDA na nagkakahalaga naman ng P535,000.

Sinabi ni Villanueva na dapat maging modelo ng iba pang mga lalawigan ang resulta ng mga pagsasanay sa Bataan kung saan nagtulungan ang TESDA, lokal na pamahalaan at pribadong institusyon.

“Kahanga-hanga ang kooperasyon. Tumulong ang bawat isa sa pagkakaloob ng mababa, ngunit de kalidad na edukasyon,” ani Villanueva matapos magsalita sa pagtitipon ng League of Municipalities of the Philippines-Bataan chapter.

Nagpasalamat si Villanueva sa lokal na pamahalaan ng Bataan at pribadong mga institusyon sa pagtulong sa TESDA.

Mayroong provincial training center ang TESDA sa Orion, regional training center sa Mariveles at provincial office sa Balanga at nakikipagtulungan sa ilang pribadong mga korporasyon sa pagkakaloob ng tech-voc training sa mga estudyante.

Kamakailan, tumanggap ang Bataan Peninsula State University ng P22 milyong halaga ng “automotive facilities improvement and equipment” sa ilalim ng Expansion of Dual Education and Training (EDET) project.

Noong 2011, umabot sa kabuuang 211 slots ang pribadong napondohan ng PESFA program na mayroongP500,000 badyet kung saan sasanayin ang mga iskolar sa food at beverage services, computer hardware servicing at metal arc welding.

Itutuloy rin ng TESDA ang community-based training para sa mga aplikante sa pananahi, massage therapy, heavy equipment operation, metal arc welding, pipe-fitting, English proficiency at automotive.




Back to List